Susubok lang

roy

Ayan ka na naman. Umaasa.

Siguro dala na rin ng edad at dala na rin ng isiping napapanahon na para masubukan mo namang magkaroon ng karelasyon. Totoong karelasyon.

Pero hindi mo alam kung dapat mo bang pagtiwalaan ang sarili mo lalo na pagdating sa kanya.

Oo. Balik ka na naman sa pag-iisip na maaring maging kayo ng una mong pag-ibig. Buhay na naman sa iyo ang proverbial “first love never dies”. Pero ang masaklap, gustung-gusto mo ang ipinapahiwatig niya sa iyo ngayon.

Matagal na kayong nagpapatintero sa larangang ito.

Magkaibigan kayo, it’s a given. Magkakilala na simula pa noong high school. Pwede ng sabihing semi-barkada mo siya since you were both in the same circle way back then. Alam mo ang ilan sa mga feats niya sa larangan ng pag-ibig. Pahapyaw man niyang nakukuwento o ipinaparating sa iyo ng mga common friends ninyo.

Sinubukan mo ring tawirin ang boundary ng pagkakaibigan sa pag-asang baka kung malaman niyang may gusto ka sa kanya ay magkagusto rin siya sa iyo – o maisipan niyang pwede ka niyang magustuhan. Na nauwi naman sa isang masakit na pagtanggi sa parte niya at pagkawasak ng mundo sa parte mo. Ilang taon ding naging tahimik ang linya ng komunikasyon sa pagitan ninyo. Taon din ang itinakbo.

Nagbalik lang ang kung ano meron kayo bago ang masaklap na pangyayari sa pagitan ninyo noong mga panahong naisip mo ang malaking katangahang nagawa mo.

Muli, nagkita kayo. Sa muling pagkikitang ito ramdam mo pa rin ang kasabikan ngunit bawas na ng higit kaysa noong malaki pa ang pagkakagusto mo sa kanya. Sakto lang ang pagbalik niya. Iyon ang panahon na totoong nakapag-move on ka na at naisip mong hanggang magkaibigan lang talaga kayo.

Masaya ka kasi kahit papaano naalis sa pagitan namin ang ilangan. Muli, nagbalik ang dating pagkakaibigan. Madalas na uli kayong nakakapag-usap. Bumalik ang dating pagkakaibigan. Para pa ngang mas higit pa siya sa dating kung ano mayroon sa pagitan ninyo noon. Nagagawa na ninyong mag-inisan, mag-pikunan, mag-asaran, at higit sa lahat magtawanan sa tuwing nakakapag-usap o nakakapag-text kayo sa isa’t-isa.

Isang taon. Dalawang taon. Sa mga panahong lumipas, mula sa simpleng pakikipagbatuhan ng salita minsan nauuwi kayo sa usapa ng kanya-kanyang pag-ibig…

Bagong relasyon. Hiwalayan. Balikan. Muling hiwalayan. Bagong pinagkakainteresan. Pagkawala ng napipintong pag-ibig.

Hindi mo na lang namalayan na nauwi kayo sa usapang baka sa pagdating ng panahon, sa dami ng pag-ibig na dumaan, aniya’y maaaring kayo rin ang magkakatuluyan. Na kayo ang nararapat sa isa’t-isa

Natawa ka. Natuwa. Nabigla. Napaisip.

Maaari. Sa tinagal-tagal ba naman ng pagmimithi mo sa kanya noon parang naging dream come true ang proposition niyang iyon. Kung iisipin, ipinagdasal mo siya, hiniling sa mga bituin, sa buwan, sa wishing well. Matagal mong pinangarap na dumating ang panahon na maisip niyang ikaw ang babaeng magmamahal sa kanya ng totoo, magmamahal sa kanya ng walang pasubali.

Maaari. Kilala mo na siya. Alam mong kahit may topak, matinong tao siya. Mapagmahal sa pamilya. Alam mo kung gaano niya kamahal at pinapahalagahan ang pamilya. Katulad ng pagmamahal mo sa iyong sariling pamilya. Sa bagay na ito ay magkakasundo kayo. Alam mo din kung paano siya magmahal. Minsan ka ding naging saksi sa loyalty niya sa naging nobya niya noon. May matinong trabaho, may direksiyon sa buhay, may pangarap. Higit sa lahat alam ng lahat na pogi din naman siya, walang kokontra doon.

Pag-aalinlangan. May setback lang sa proposition na ‘to. Naisip mo rin na parang lugi ka. Parang sa kalagayang ito, last choice ka na lang yata. Parang nahulog na ikaw ang napili niya kasi wala na siyang ibang pagpipilian. Kumbaga nag-end of the world na at wala nang natira kundi kayong dalawa, magiging choosy pa ba siya?

Kumbaga ikaw iyong latak na kung kailan naubos na ang magagandang parte ng buhay, wala na siyang pagpipilian kundi simutin ang mumo na naiwan.

Pag-aalinlangan. Kaya mo bang mag-settle sa usapang alam mo namang hindi kasing tindi ng inaasahan at hinagangad mo ang mararamdaman ng napipintong partner mo sa buhay? Alam mo kasing madali kang mahulog ulit sa kanya. Sa naging nakaraan mo sa kanya malaki ang posibilidad na muli ka na namang mahumaling sa kanya – kung hindi pa man nangyari na ulit ang kinatatakutan mo.

Malamang jaded ka na talaga pagdating sa kanya kaya alam mo talagang malamang ‘di mo na maaasahan ang sarili mo sa pagdedesisyon tungkol sa kanya.

Kaya matindi ang dilemma kung paniniwalaan mo ba o iisipin mong paasa lang talaga siya.

Pero heto na ‘to eh. Minsan lang ‘to dumating sa buhay mo.

Ang lalaking halos buong puberty period and beyond mong hinintay, dumating na sa doorstep mo. Kumakatok sa iyo at may inihahaing pag-asa sa harapan mo. Papakawalan mo pa ba ‘to?

Siguro kahit masaktan na ka na at lahat, susugal ka na. Sabi nga ng ilang kaibigan mo, “it’s about time!”

Kaya ariba na ‘to! Bahala na si Batman! Arya na kung arya!

Posted on September 8, 2013, in What's in mind and tagged , , , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Anything you want to say?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: