The Crazy Way I Found Love (Chapter 1 Excerpt)

#unfinishedmanuscript #loveoutloudlaughoutloud

“HUY! ANO NA NAMAN `yang binabasa mo, iha!?”

“Wala…” Dali-daling isinara ni Adora ang librong hawak at kinipkip iyon sa kili-kili upang ilayo sa kaibigang si Chela a.k.a. Dominador Martinez Jr. Nasa maselang eksena na kasi ang storya at medyo nahiya siyang mahuling nagbabasa ng parteng iyon ng nobela.

“Woooo!” kantiyaw ng bakla. Inagaw nito ang pocketbook na kipkip niya, tiningnan ang cover at binasa ang likod bago ibinalik sa kanya. “Nagbabasa ka na naman `nyang romansa-romansa na `yan! Kung `yang oras ng pagbabasa mo ng pocketbook, eh, ilalaan mo sa paghahanap ng totoong bo-boyfriend-in, hindi lang diyan sa utak at imahinasyon magkakaroon ng romansa ang buhay mo, Adoracion! Twenty-five ka na, teh. Isuko mo na yang puri mo. Natitigang `yan, baka akala mo.”

“Hinaan mo iyang boses mo uy!” pabulong na saway niya rito. Medyo namula ang kanyang mukha dahil napakalakas ng boses ni Chela, baka marinig pa ng ibang tao ang pinagsasabi nito. She opened the book to the last page she was reading. Bahagya niyang itinupi ang dulong parte ng page bilang palatandaan ng babalikan niya mamaya at itinago ang libro sa drawer na katabi ng cash register.

“Adoracion, maawa ka sa kaluluwa mo!”

“Bakit naman? Kasalanan na ba ngayon ang magbasa?”

“Iha,” anito sa nangangaral na boses. “Hindi ang pagbabasa ang tinutukoy ko. Alam mo kasi, pinaparusahan daw ang mga babaeng namamatay na virgin. Pagdating mo sa purgatoryo, pagkakargahin ka ng sako-sakong putotoy bago ka makaakyat ng langit dahil hindi mo sinunod ang utos ng Diyos na ‘go forth and multiply’!”

“Diyos ko! Akala ko naman kung ano. Magtino ka na nga, Chela. Kung anu-anong kabulastugan `yang laman ng utak mo.”

“Siyempre, inday. Bakla ako, eh. Consistent ang kabulastugan sa personality ko!”

“Ewan ko sa `yo,” natatawang balik niya sa kaibigan. “At saka hayaan mo na nga lang ako. Alam mo namang ito lang pagbabasa ang pinagkakaabalahan ko sa buhay. Huwag ka na ngang kontra nang kontra `dyan.”

“Juice ko, teh! Masama na ba ngayon ang maging concerned sa kaibigan mong sinasayang lang ang ganda at alindog niya sa pusod ng palengke?!” Sinamahan pa nito ng eksaheradang paghawak sa dibdib at paglukot ng mukha ang maarteng pagkasabi. “Exotic ang ganda mo. Go out to the world and discover. Mabenta ang ganda mo sa mga foreigner.`Wag ka `dyan sa ilusyon. Doon ka sa totohanan! I told ya before, sumama ka sa akin paminsan-minsan nang magkaroon ng kulay `yang walang kalatuy-latoy mong buhay.”

“Sus! X-rated naman lahat ng mga lakad mo.”

“Siyempre! X-rated talaga. Exciting, exhilarating, excapade! Boys, boys, boys! `Di ako makahinga sa dami ng boys!”

“Boys, boys, boys ka `dyan. Bumalik ka na dun sa tindahan niyo. Baka hindi ka makahinga kung sakalin at bigwasan ka ng nanay mo dahil pinabayaan mo na naman ang paninda niyo, Dominador.”

Maarteng umirap ang bakla bago nagpaalam at umarya ng alis papunta sa meat stall na pagmamay-ari ng mga magulang nito. Alam niyang malaki ang pag-iimbot nito sa bininyagang pangalan para dito kaya tuwing natatalo na siya sa tuksuhan o usapan nila, binabanatan agad niya ito gamit ang totoo nitong pangalan.

Inilibot niya ang kanyang paningin sa kanilang grocery store.

It was a far cry from what it was before. Mula sa simpleng stall lang sa palengke ay isa ng full-blown grocery store ang Rosalia’s Grocers.

Nasa pamilihang bayan siya. Magtatatlong-taon na kasi silang may tindahan ng lola niya doon. Mga sari-saring grocery items at dry goods ang ibinebenta nila.

Naitayo ang tindahan isang taon matapos lumuwas at magtrabaho sa isang sikat na salon sa Maynila si Bale. Ang lahat kasi ng ipinapadala ng pinsan sa kanilang lola ay inipon ng huli dahil sobra pa sa sapat ang padala ni Bale kada a-kinse at a-trenta sa mga pangangailangan nila sa bahay. May natatanggap kasi na buwanang pension ang lola niya at may kinikita rin naman siya sa trabaho niya bilang sekretarya ng isang abogado. Noong lumaki ang naipon ay naisipan ng matandang palaguin pa ang pera kaya ito nagbukas ng munting grocery sa bungad ng palengke.

Sa simula ay ang lola lang niya at isang kasa-kasama ang nagpapatakbo ng tindahan. Ngunit nang mag-a-anim na buwan na ang Rosalia’s Grocers ay nakita niyang medyo nahihirapan ang lola sa pag-aasikaso ng tindahan gawa na rin ng edad nito. Ayaw din naman nitong isara ang tindahan gaya ng suggestion nila ng pinsan dahil nanghihinayang ang matanda sa kinikita. Habang tumatagal kasi ay palakas nang palakas ang munting grocery. Nabili na ng lola ang rights ng inarkilahang pwesto at pati na rin ang ilang katabing tindahan kaya lalong lumaki ang lugar nila.

Ang dating kakaunting paninda lang ay nadagdagan pa ng stocks tulad ng dry goods, saku-sakong bigas, asukal, at harina, at iba pang paninda. Doon na namamakyaw ang karamihan ng mga may-ari ng sari-sari stores sa kanilang bayan at mga karatig na baranggay dahil karamihan ng mga kailangan ng mga itong ilalaman sa sariling tindahan ay nasa kanila na. Pwede din sa kanila ang patingi-tinging bili lang. Naging wholesale at retail store kalaunan ang Rosalia’s Grocers.

Hindi nagtagal ay napagdesisyunan niyang mag-resign na lang sa pagtatrabaho para tulungan ang Lola Taleng sa pagpapatakbo ng negosyo para naman hindi ito ang sobrang batak na batak sa trabaho.

“Ate Adeng, seben tawsan sixty-por po lahat kay Ka Sese.” Iniabot ni Carlos ang listahang may presyo ng lahat ng kinuha ng mahigit sixty-years old nilang suki.

“Kasali na ‘yung isang sakong bigas dito, Carlos?”

“Opo,” anang lalaki saka hinakot palabas ang mga in-order ni Ka Sese.

“Adeng, padagdag na lang din ako ng isang sako ng brown sugar.”

“Bale dagdag one-six po kaya eight thousand sixty-four po lahat, Lolo Sese.”

May kalakip pang haplos sa kamay niya ang pag-abot nito ng bayad. Matagal nang sumisimple sa kanya ang matanda. Hindi niya lang sinosopla dahil, una, malaking customer ito ng grocery nila. Hindi bumababa sa limang libo ang pinamimili nito kada-dalawa o tatlong araw. Malakas ang mini-grocery nito sa kung saang lupalop ng mundo man ito may tindahan. Pangalawa, may paggalang din naman siya sa mga may-edad ng gaya ng lola niya. Kaya quiet lang siya kahit kinikilabutan siya sa mga pahaging ng Dirty Old Matanda!

“Ano bang Lolo Sese? Hindi naman ako ganoon ka-tanda, Deng. Sese na lang.” Pangiti-ngiti pa sa kanya ang matandang hukluban, gumagalaw naman ang pustiso nito. “Ikaw ba’y walang gagawin bukas? Iimbitahan sana kitang kumain di-yan sa bagong bukas na restawran.”

Diyos kong mahabagin. Iadya Nyo po ako sa mga mahihilig na gurang!

“Busy po ako, Lo. Ako po kasi ang kahera dito araw-araw. ‘Di po ako pwedeng umalis sa pwesto ko.”

“Aba’y wala ka bang day-op? Napakagahaman naman ng may-ari nitong Rosalia. Nasaan siya ngayon at kakausapin ko. At huwag mo na nga akong tawaging ‘lolo’. Sese na lang. ‘Di naman nagkakalayo ang ating mga edad.”

“Kami po ang may-ari ng Rosalia, Ka Sese.” Mahiya ka sa balat mo, gurangers ka!

“Aba’y ganoon ba?” Ngumisi lang ang matanda sa sinabi niya.

Sarap bigwasan! sa isip-isip niya.

“Ka Sese, pasensiya na ho pero may susunod pa po kasing magpapa-kwenta, pwede po bang pausog muna?” O di kaya’y lumayas-layas ka na sa harapan ko. “At saka, ready na po yata ang ang order niyo sa labas.”

“O siya, sige,” pagsuko nito sa pambubulahaw sa kanya. “Lalarga na ako at baka kami ay gabihin pa sa daan. Ako’y babalik na lamang rito sa susunod na araw, magandang binibini.”

Nginisihan na lang niya ang papaalis na matanda. Sa dinami-dami naman ng pwedeng magkainteres sa kanya ay iyong mas matanda pa yata sa lola niya.

“Ang tindi talaga ng tama sa iyo ni Ka Sese, Deng,” natatawang tukso sa kanya ng sumunod na customer. “Kung maka-da moves parang si Justin Bieber lang.”

Natatawang napailing na lang siya sa sinabi ni Ate Susan habang kinukwenta ang pinamili nito.

Halos ganito ang araw-araw na takbo ng buhay niya. Kadalasang kaharap niya ay ang mga simpleng tao lang pero masaya naman siya. Hindi man kasing ma-glamour tulad ng pag-o-opisina niya noon ang ginagawa niya ngayon, wala naman siyang maireklamo. Maganda ang pasok ng pera araw-araw. Palagi rin siyang nakakasalamuha ng iba’t-ibang tao. Napa-practice pa niya ang mathematical, business, at decision-making skills na napag-aralan niya noon sa college. Masaya naman siya.

Masaya siya.

Hay, napahugot siya ng malalim na hininga at napangalumbaba. Kailan kaya magkakaroon ng excitement ang buhay ko?

Posted on May 20, 2014, in My WIPs and tagged , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Anything you want to say?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: